Hindi na nakaporma ang isang South Korean na wanted ng Interpol matapos posasan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration bago pa man siya makasampa sa eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Martes, Abril 7.
Kinilala ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang suspek na si Jang Junseok, 26-anyos, na pasakay na sana ng isang Philippine Airlines flight patungong Busan, South Korea nang makorner ng BI agents.
Ayon kay BI Interpol acting chief Jaime Bustamante, inaresto si Jang sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Daegu District Court sa South Korea noong Pebrero 28 dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa counterfeit currency trading.
Kabilang sa mga diumano’y pinepeke ni Jang ay mga South Korean bank notes na ginagamit sa destabilization activities sa kanilang bansa. Bago nito, nasintensiyahan na rin si Jang ng anim na beses sa kahalintulad na aktibidad subalit ito ay pinagkalooban ng korte ng parole noong 2023.
At habang naka-parole, ipinagpatuloy diumano ni Jang ang pamemeke ng bank notes gamit ang alyas upang mambiktima ng mga kapwa Koreyano na inaalok niya ng mas mababang presyo kumpara sa orihinal na bank note.