Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Administrative Order No. 18 na nagbabawal sa mga opisyal at kawani ng gobyerno sa paggamit ng mga wang-wang, sirena, blinkers at iba pang kahalintulad na gamit na ikinakabit sa sasakyan para makaiwas sa panghuhuli ng traffic enforcers.
Ang Administrative Order No. 18 na nilagdaan ni Marcos ay may titulong “Prohibiting Government Officials and Personnel from Using Sirens, Blinkers and Other Similar Signalling or Flashing Devices.”
Ito ay sa kabila ng umiiral na Presidential Decree No. 96, na nilagdaan ng kanyang ama na si yumaong Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr. na nagbibigay pahintulot sa paggamit ng kahalintulad na gadgets sa mga official vehicles ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), fire trucks at hospital ambulance.
“It has been observed that the unauthorized and indiscriminate use of sirens, blinkers, and other similar signaling or flashing devices has been rampant, causing traffic disruptions at unsafe road and traffic environment,” saad ni PBBM.
Kabilang sa mga karaniwang gumagamit na wang-wang at blinkers ay mga abusadong civilian big bikers at security escorts ng pulitiko na ginagawang “lisensiya” ang mga gadget upang sumingit sa traffic, ayon sa obserbasyon ng mga traffic enforcers.