Mahigit 960 na lamang, mula sa kalahating milyong beteranong Pinoy ng World War II, ang nabubuhay pa, ayon sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) nitong Miyerkules, Abril 10.
Tumatanggap ang war veterans ng monthly old age pension na P20,000 at libreng paospital sa Veterans Memorial Medical Center, ayon kay PVAO Deputy Administrator Restituto Aguilar.
“Ito ay napakaliit na bilang na lang. Noong 1945 na mayroon tayong 260,000 na ni-recognize ng US government at saka iyong mga hindi na-recognize na may karapatan din namang mabigyan ng parangal ay 250,000,” sabi pa ni Aguilar.
“Kung sila ma’y nasa probinsiya, mayroon din kaming veterans’ ward sa mga regional or public hospitals na mayroon kaming [Memorandum of Agreement] sa kanila na tatanggapin nila iyong mga beterano at kung anuman iyong kanilang bill pagkatapos ng hospitalization, of course kasama na doon iyong, PhilHealth at saka iba pa, [Philippine Charity Sweepstakes Office] na deductions — iyong natitira doon ay babayaran po ng PVAO,” dagdag pa ni Aguilar.