Muling nagbabala ang liderato ng Philippine National Police (PNP) sa mga civilian motorcycle riders sa ilegal na paggamit ng logo, badge at stickers ng Highway Patrol Group (HPG) na karaniwang nakikita sa mga abusadong big bikers.
Ito ay matapos lagdaan ni Col. Rommel Batangan, Highway Patrol Group (HPG) chief of staff, ang panibagong memorandum na nagpapaalala sa direktiba na may petsang Pebrero 9, 2022 ng noo’y Philippine National Police (PNP) chief Gen. Dionard Carlos hinggil sa paggamit ng motorcycle plates na may marking na “Tiger” at “HPG”, at stickers na may HPG logo.
“In this regard, you are once again directed to strictly refrain from using or placing stickers on your privately-owned motorcycles that bear the above images, logos and badges,” ayon sa bagong memo ng HPG na nilagdaan nitong Miyerkules, Abril 3, 2024.
Napagalaman na karamihan sa mga big bikers na ilegal na gumagamit ng HPG logo at stickers ay mga sibilyan na sumailalim ng executive riding skills training na kilala sa riding community bilang mga “pulis-kalawakan” para makalusot sa traffic violation gamit ang blinkers at wang-wang.
Bukod dito, naglipana rin ang mga motorcycle club T-shirts at jerseys na may logo ng HPG sa mga events.