Ayon kay Quezon City Veterinary Department Division chief Dr. Rey del Napoles, ang microchip ay isang maliit na aparato na isinisilid sa balat ng alagang hayop. Naglalaman ito ng serial number na nagbibigay ng sarili nitong identity.
“The microchip is a very small device. Kasing laki lang ng butil ng bigas na binabaon natin sa ilalim ng balat. Now, this has a serial number na pag-ini-scan natin, ‘yun na ‘yung identity ng alaga natin. Pag nakakagala yan, mahahanap natin sila. Maibabalik natin sa may-ari,” sabi ni Quezon City Veterinary Department Division chief Dr. Rey del Napoles.
Gaya ng sinabi ni Napoles, maaaring makilala ng microchipping ang mga alagang hayop at ang kanilang mga may-ari, sakaling mawala sila. Kapag natagpuan ang nawawalang alagang hayop, maaaring i-scan ng mga beterinaryo o pet rescuers ang microchip ng alagang hayop upang makuha ang impormasyon hinggil dito.
Sinabi ng QC Veterinary Office na ang mga may-ari na nakakakuha ng microchip ay bibigyan ng registration card.
Depende sa uri ng device na ginamit, ang mga microchip na ibinebenta sa mga pribadong veterinary clinic ay maaaring mabili mula P750 hanggang P1,500.