Matapos ang ilang ulit na pagtanggi, umamin na rin si dating Presidential spokesman Atty. Harry Roque na nakipagkasundo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Chinese government sa usapin ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Sa kanyang test message sa Inquirer.net, subalit iginiit ni Atty. Harry Roque na ‘verbal agreement’ lang ang namagitan kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese authorities at ito ay nakasentro sa pagpapairal ng ‘status quo’ sa BRP Sierra Madre.

Ayon pa kay Roque, ito ay nangangahulugang wala dapat na magaganap na expansion work sa BRP Sierra Madre, na sadyang ibinalandra sa Ayungin Shoal noong termino ni dating Pangulong Joseph Estrada upang magsilbing command post ng mga sundalo ng Pilipinas.

“Verbal and, hence, not binding on PBBM. Agreement on status quo,” binigyang diin Roque sa text message sa Inquirer.net.

“That’s very different. PRRD (Duterte) never agreed to remove (BRP) Sierra Madre. They had a gentleman’s agreement that both sides will maintain status quo,” dagdag niya.

Matapos lumutang ang impormasyon hinggil sa secret deal ni Duterte sa China, maraming political analyst ang nagsabi na ito marahil ang dahilan kung bakit nambu-bully ang Chinese forces sa tuwing nagsasagawa ng resupply and rotation mission ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa BRP Sierra Madre sa suspetsang may dalang construction materials ang mga ito para sa expansion work ng ibinalahurang barko.