Sinabi ni Sen. JV Ejercito ngayong Miyerkules, Marso 27, na hindi nito susuportahan ang Anti-Lane Splitting Bill at Motorcycle Rider Safety Act dahil, aniya, magpapalala lamang ito ng trapik at magiging pahirap sa mga courier at delivery services na nakatutulong sa ekonomiya.
“Maaaring mas maging harmful sa motorcycle riders ang pagbabawal sa lane splitting. May mga bansa na ginawang legal ang lane splitting dahil base sa kanilang pag-aaral, mas ligtas para sa mga motorcycle riders ang lane sharing,” sabi ni Sen. JV Ejercito.
“It would be better for the government to develop guidelines on how we can implement safe lane splitting or lane sharing. Let us always focus on how to make our road safe,” ayon sa Senador, na isa ring motorcycle enthusiast.
Itinuring ni Sen. JV ang dalawang panukala bilang “discriminatory” sa mga motorcycle riders kung saan ang karamihan sa kanila ay hindi makabili ng kotse o mas malalaking sasakyan na walang kahalintulad na batas.
“Para sa isang rider na limitado ang kakayahan, malayo na sana ang mararating ng ₱5,000.00—pagkain para sa pamilya; pambayad sa upa sa bahay; o mismong pambayad sa buwanang hulog sa motor,” ayon kay Ejercito.