Alinsunod sa Memorandum Circular No. 2023-016 ng ahensiya at Republic Act No. 11313 o ang “Safe Spaces Act”, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Boad (LTFRB) na maaaring patawan ng kaukulang parusa at multa ang mga commuter mapapatunayan na gumawa ng anumang uri ng pangmomolestiya, karahasan at lumabag sa naturang batas habang sakay ng pampublikong sasakyan.
“Marami ang nagbabalak na magbiyahe pauwi sa kanilang mga probinsya ngayong #SemanaSanta2024, kaya naman muling ipinapaalala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na alamin ang inyong karapatan upang makaranas ng ligtas at komportableng biyahe sa mga pampublikong sasakyan o terminal,” ayon sa advisory ng LTFRB.
Ang nasabing batas ay naglalayong lumikha at mapahalagahan ang mga espasyong ligtas sa pagitan ng mga commuter mula sa anumang uri ng pang-aabuso, diskriminasyon, at karahasan lalo na sa pampublikong transportasyon habang nagsisiksikan ang mga pasahero.
Hinikayat ng LTFRB ang mga mabibiktima ng mga manyakis at mapang-api na commuter na agad na magsuplong sa mga awtoridad upang panagutin ang mga ito batay sa Safe Spaces Act.
“Laging tandaan na ang paggalang at kababaang-loob ay hindi opsyonal, kundi pangunahing tungkulin sa pagpapalakas ng ating komunidad. Ito ang hamon at pananagutan nating lahat upang mapanatili ang kahalagahan ng pagpapakatao sa bawat aspeto ng lipunan,” ayon sa ahensiya.