Lumobo na sa 52 porsiyento mula sa kabuuang bilang ng mga Pilipino ang nagsabing pabor sila sa pagamiyenda ng 1987 Constitution, ayon isang survey ng Tangere.
Batay sa resulta ng survey na inilabas nitong Biyernes, Marso 22, 14 porsiyento ng mga Pilipino ang “strongly agree,” habang 38 porsiyento ang ” somewhat agree” sa panukalang amiyendahan ang restrictive economic provisions ng Saligang Batas.
Samantala, 13 porsiyento ang ” somewhat disagree” at 10 porsiyento ang “strongly disagree” habang ang natitirang 25 porsiyento ay hindi sigurado kung sila’y susuporta o tututol sa charter change o cha-cha.
Ang Metro Manila (55 porsiyento) at Southern Luzon at Bicol Region (55 porsiyento) ang may pinakamataas na suporta para sa cha-cha initiatives, habang ang Mindanao (50 porsiyento) ang may pinakamababang suporta.
“There is parity levels of support across all age groups but directionally lower for respondents aged 36 years old and above,” ayon sa Tangere.
“The level of support for Charter Change is also higher for the upper income classes who identified themselves as knowledgeable about the 1987 constitution,” dagdag pa ng Tangere.
Lumitaw din sa survey ng Tangere na 51 porsiyento ng mga Pilipino ang sumang-ayon na dapat kilalanin ng gobyerno ang people’s initiative para sa cha-cha.