Pinuri ng mga kongresista ng malakas na partnership ng Estados Unidos at Pilipinas, partikular sa larangan ng seguridad at ekonomiya.
“We see that the partnership and the relationship of the U.S. and the country is in an all-time high when it comes to security and when it comes to the economy,” ani Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez.
Ginawa ni Suarez ang pahayag matapos ang naging pagbisita sa Pilipinas ng matataas na opisyal ng Estados Unidos kasama na si Secretary of State Antony Blinken, kung saan iginiit nito ang “ironclad” commitment ng Amerika sa Pilipinas.
Ayon kay Suarez, ang pagbisita ni Blinken ay bunga ng pagbisita sa bansa kamakailan ng U.S. Presidential Trade and Investment Mission na pinamumunuan ni US Secretary of Commerce Gina Raimondo na nangako magbubuhos ng mahigit $1 bilyong kapital sa bansa.
Binanggit din ng Deputy Speaker na magkikita sina US President Joe Biden, Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., at Prime Minister Kishida Fumio sa White House sa Abril 11 para sa isang trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit.
Kasama ni Suarez sa press conference sina Assistant Majority Leader Francisco Paolo Ortega (La Union, 1st District), Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur, 1st District), Raul Angelo “Jil” Bongalon (AKO BICOL Party-list), at Davao Oriental 2nd District Rep. Cheeno Miguel Almario.
Kinilala ng mga kongresista ang kahalagahan ng pagbisita ni Blinken sa bansa lalo’t tumitindi ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea (WPS).