Nanggagaliiti si Sen. Raffy Tulfo nang mag-walk out sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs dahil sa diumano’y pabago-bagong testimonya ng mga resource persons mula sa Philippine National Police (PNP) nitong Martes, Marso 19.
“Pag-pulis ang may kasalanan bine-baby-baby. Pero kapag ordinaryong, maliit na mamamayan natin, agad na nakukulong. Pag minalas-malas sinasalvage pa,” sabi ni Tulfo.
“Bakit ganito ang hustisya sa atin? Kapag pulis, nagtatakipan, nakakalusot,” anang senador.
Ito ay may kinalaman sa imbestigasyon ng Mataas na Kapulungan hinggil sa umano’y pangaabuso ng isang police team nang arestuhin ang isang suspek noong Agosto 12 sa Bulacan.
Napikon si Tulfo nang sabihin ni Bulacan PNP Provincial Office Director Col. Relly Arnedo na ang mga pulis na pumasok sa bahay ni Mang Rodelio ay walang bitbit na warrant of arrest. Subalit sa testimony ani Cpl. Michael Rey Bernardo, sinabi nito nasa bulsa niya ang arrest warrant nang maganap ang pagsalakay.
“Nakita natin na tadtad ng bakas ng pagsusunungaling ang mga pahayag ng mga pulis ukol sa pages-serve nila ng warrant of arrest at wala nang pagtutunguhan kung ipagpatuloy ko pa ang pagtatanong dahil magsisinungaling din naman sila,” giit ni Tulfo bago tuluyang naglaho sa session hall.