Ipinaaaresto na ng Senado si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) matapos ang pagmamatigas nito sa hindi pagdalo sa mga pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality hinggil sa mga patung-patong na alegasyon laban sa kanya.

Ang arrest order ay nilagdaan nila Senate panel chairperson Risa Hontiveros at Senate President Juan Miguel Zubiri na may petsang Marso 19, 2024.

Una nang naglabas ang Senate panel ng show cause order nitong Marso 13 subalit binalewala pa rin ito ni Quiboloy, dahilan para umapela si Hontiveros sa liderato ng Mataas na Kapulungan na maglabas ng arrest warrant.

Ikinagalit din Hontiveros ang diumano’y pambabastos ni Quiboloy sa Senado sa inilabas nitong video kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kanyang malapit na kaibigan.

“The Sergeant-At-Arms is hereby directed to carry out and implement this Order and make a return hereof within 24 hours from its enforcement,” nakasaad sa dokumento.

Samantala, iginiit ni Zubiri na ang kanyang paglagda sa arrest order ay bahagi ng kanyang “ministerial” task sa pagtugon sa mga regulasyon ng Senado.

“We are signing the order to protect our committee system, to preserve the Senate’s power of inquiry with process to enforce it,”  paliwanag ng lider ng Mataas na Kapulungan.