Umapela si Sen. Raffy Tulfo sa kanyang mga kasamahan sa Senado na aprubahan ang Senate Bill No. 47 at Senate Bill No. 821 na malaking tulong sa pangangalaga ng kapakanan ng milyun-milyong construction workers sa bansa.
“Marami sa ating mga kababayan, yung mga mahihirap, ang isa sa mga problemang nae-encounter nila, bagamat gustong-gusto nila magtrabaho, kaya lang kapag sila ay nag-aapply, eh wala silang sapat na pera sa requirements. Napakaganda po nito na 20 percent discount na maibibigay sa kanila, this will encourage them to look for a job,” sabi ni Sen. Raffy Tulfo.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development ngayong Martes, Marso 19, sinabi ni Tulfo na ang SB 47, o mas kilala bilang “Kabalikat sa Hanapbuhay Act,” at SB 821, o ang “Construction Workers Insurance Act,” ang mageenganyo sa mga obrero na makahanap ng trabaho sa kabila ng kakapusan sa pera.
Kapag naaprubahan, naniniwala rin ang senador na matutuldukan din ng SB 821 ang mga fly-by-night construction companies na bumibiktima ng mga manggagawa na kapos sa buhay.