Binawi ng Office of the Ombudsman ang 90-day preventive suspension sa 23 kawani ng National Food Authority (NFA) na unang naisama sa 141 NFA officials and personnel na sinuspinde dahil sa hinalang sangkot sila sa bargain sale ng rice buffer stock sa ilang pinaborang traders.
“Binigay sa amin at sinabi nila galing sa NFA. Kung may Pagkakamali man sa listahan, hindi naming kasalanan ‘yun,” sabi ni Ombudsman Samuel Martires.
Sa panayam ng DZBB, sinabi ni Ombudsman Samuel Martires na tila nabudol sila ng Department of Agriculture sa pagbigay ng listahan ng mga diumano’y sangkot sa pagbebenta ng rice buffer stock mula sa NFA warehous sa sobrang mababang presyo na ikinalugi ng gobyerno.
“Prior to that mayroon kaming na-receive na preventive suspension na maling data na ibinigay sa amin ng Department of Agriculture, na ayon sa DA ibinigay sa kanila ng NFA,” paliwanag ng opisyal.
“Siyempre, hindi lang naming pinulot sa punong kahoy o telephone directory ang pangalan ng mga tao na ‘yan. Humigi kami ng listahan ng mga tao – regional director, branch manager at warehouse supervisor,” ayon kay Martires.
Ayon sa Ombudsman, paiimbestigahan niya kung sino ang nasa likod ng maling listahan ng mga sususpindehin mula sa NFA.