Hindi pinaglagpas ni Lanao del Norte 1st District Rep. Mohammad Khalid Dimaporo ang patutsada ni former President Rodrigo Duterte sa Kongreso na gagamitin lang diumano ng mga mambabatas ang charter change para amiyendahan ang 1987 Constitution upang palawigin ang kanilang termino.
“I will not forget a speech kung saan sinabi n’ya (Rodrigo Duterte), when he was a congressman, ayaw n’ya ang trabaho dito. So hindi siya pumasok sa Kongreso. Something like that,” sabi ni Dimaporo.
Ginawa ni Duterte ang pambabatikos, hindi lamang tungkol sa cha-cha ngunit maging sa liderato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa ginanap na “prayer rally” ng kanyang mga taga-suporta sa Liwasang Bonifacio sa Maynila nitong Martes ng gabi.
Sa ginanap na press conference ngayong Miyerkules, Marso 13, sinabi ni Dimaporo na hanggang sa ngayon ay maaaring hindi pa rin naiintindihan ni Duterte ang proseso ng pagpasa ng batas tulad ng Resolution of Both Houses No. 7 na nagsusulong sa pagamiyenda ng Saligang Batas.
“Whether it is a joke or for real, it kinda hints maybe he doesn’t understand or he was not clarified on what’s happening here,” buwelta ni Dimaporo sa dating Pangulo.