Pagkalipas ng anim na pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises na pinamumunuan ni Paranaque Rep. Gus Tambunting, inaprubahan na ng naturang lupon ang House Bill No. 9710 ngayong Martes, Marso 12, na nagpapawalang bisa sa prangkisa ng Sonshine Media Network Inc. na nasa ilalim ng pamamahala ng Swara Sug Media Corp. (SSMC) na kapwa itinayo ni Apollo Quiboloy.
“I believe that this committee has sufficient grounds to revoke their franchise,” sabi ni House Committee on Legislative Franchise Vice Chairman at Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel.
Ito ay matapos mapatunayan ng komite ang patung-patung na paglabag ng SSMC hinggil sa ipinagkaloob na prangkisa dito ng gobyerno.
Ang HB 9710 ay iniakda ni 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez.
Ayon kay Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel, kabilang sa paglabag ng media company ay ang pagbalewala sa kanilang responsibilidad sa publiko bilang isang news entity, ang ilegal ng pagbebenta at paglilipat ng prangkisa mula sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC), at pagkabigo na mamahagi ng stocks ng kumpanya sa publiko.
Agad namang sinegundahan ni Bulacan Rep. Augustina Dominique Pancho ang mosyon ni Pimentel na aprubahan ang HB 9710 at walang ang tumutol sa naturang hakbang mula sa kanilang hanay.