Nakauwi na sa Pilipinas ang siyam na Filipino seafarer nitong Linggo, Marso 10, na sakay ng oil tanker na nasamsam sa Gulf of Oman.
Sinabi ng isa sa seafarer na mayroon pang walong Pilipino sa barko na nasa maayos na kondisyon.
“‘Yung dalawang aalis pa, Tuesday or Wednesday aalis sila. Hindi naman sila hostage per se, kasi kusang loob silang naiwan doon dahil binigyan ng double salary kaya out of their own free will sila na naiwan doon,” sabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega.
Tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na handa silang magbigay ng psycho counseling sa mga darating na seafarer, kasama ang financial assistance accommodation, at air fare kung kailangan nilang bumalik sa kanilang mga probinsya.
“Kakausapin po muna natin sila kung magdecide sila na magse-settle sila rito sa Pilipinas then we will provide reintegration sa kanila,” ani pa ni OWWA Deputy Administrator Atty. Honey Quiño.
Nasa ilalim ng kustodiya ng Iran ang mga tripulante na Pilipino kasunod ng pag-agaw ng Iranian Navy sa oil tanker na St. Nikolas sa Gulf of Oman noong Enero 11.
Ang aksyon ng Iran ay bilang pagbuwelta sa pagkumpiska ng Iranian crude oil mula sa naturang barko ng US forces noong 2023.