Arestado ang isang Pinoy na empleyado ng Royal Caribbean cruise noong Linggo, Marso 3 matapos umanong maglagay ng mga hidden camera sa loob ng banyo ng Symphony of the Seas cruise ship upang tiktikan ang mga batang babae.
Pinosasan si Arvin Joseph Mirasol, 34-anyos na Pinoy, matapos ireklamo ng isang guest ng Symphony of the Seas cruise ship na naglagay diumano ng hidden camera sa kanyang banyo noong Pebrero 25.
Natagpuan ng pasahero ang nakatagong camera habang siya ay kumuha ng tisyu at ito ay nakakabit sa ilalim ng lababo, ayon sa affidavit na inihain sa US District Judge of Florida.
Sa pagsakay barko sa Port Everglades sa Fort Lauderdale noong Marso 3, si Mirasol ay pinosasan bago ikinulong sa barko bago inilagay sa kustodiya at inimbestigahan ng Homeland Security Investigations, Customs and Border Protection, at Broward County Sheriff’s Office.
Nang kilatisin ang mga kagamitan ni Mirasol, kabilang ang kanyang telepono, SD card, camera, at USB stick, natuklasan ng mga awtoridad sa batas na maraming nakuhanang video ng mga kababaihan na hubo’t hubad, pati na rin child pornography, ayon sa affidavit.