Matapos ang ilang araw ng pananahimik sa media, muling lumantad si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte sa publiko upang batikusin ang diumano’y “organized demolition job” upang siya ay ipamukha na masamang tao at idiskaril ang kanyang mga programa.
“Bahagi ang mga ito ng isang organisadong demolition job na ang layunin ay sirain ang aking integridad at gumawa ng imahe na ako ay isang mamamatay-tao, na corrupt, abusado, taksil at isang war lord,” sabi ni Duterte.
“Sinisiraan ako para pagdudahan, pahiyain, at panghinaan ng loob. Nais nilang isuko ko ang aking sinumpaang tungkulin na magsilbi sa baya,” pahayag ni VP Sara sa video message na kanyang ipinost sa social media.
Ayon kay Duterte, napansin niya na ang mga isyu na ipinupukol sa kanya ay nagiging “bolder” at “more desparate” nitong mga nakaraang araw tulad ng pag-ugnay sa kanya sa pagbubuhol ng trapik sa Commonwealth Avenue dahil sa pagdaan ng kanyang convoy at sa mga serye ng pagpatay sa Davao City noong siya ay naninilbihan bilang alkalde pa ng siyudad.
Tinukoy din ni VP Sara na bahagi ng demolition job ay ang kuwento na siya ay tumanggap ng malaking bulto ng mga armas mula kay Apollo Quiboloy, founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Bukod dito, idinamay na rin ang kanyang asawa na si Atty. Mans Carpio na target na rin ng paninira. “Tandaan po natin na ang mga paninirang ito ay nagkukubli ng mga personal at politikal na interes. At ang mga ito ay hindi ninyo interes, hindi interes ng bayan, hindi ito interes ng Pilipinas,” giit ni VP Sara.