Iginiit ng liderato ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi pa “final and executory” ang inilabas na desisyon ng Supreme Court na nagpapawalang bisa sa mga traffic violation ticket na iniisyu ng mga local traffic enforcers sa Metro Manila.
“Sa ating mga kababayang motorista, kung kayo ay huhulihin ng mga local traffic enforcers, huwag kayong makipagtalo at i-argue na bawal na silang manghuli at mag-issue ng ticket dahil hindi pa ito final and executory,” sabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes.
Sa ginanap na press conference ngayong Miyerkules, Marso 6, sinabi ni Artes na tuloy ang panghuhuli ng mga Metro Manila local government units (LGUs) sa mga pasaway na driver gamit ang kani-kanilang traffic violation tickets.
“What is important is the recognition that the MMDA, through the Metro Manila Council, has the power to pass resolutions regarding traffic. In effect, binaligtad na ang earlier decision na nagsasabing kami (MMDA) ay walang legislative powers. Sinasabi ng Korte sa decision na ito na meron in so far as traffic regulations are concerned,” anang MMDA official.
Sinabi pa ni Artes na muling magpupulong ang mga miyembro ng Metro Manila Council (MMC) upang talakayin ang implikasyon ng desisyon ng Korte Suprema at mailagtag ang kaukulang legal options na kanilang posibleng magamit.