Mariing itinanggi ni Sen. Jinggoy Estrada na bahagi siya sa diumano’y plano na patalsikin sa puwesto si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri.
“Wala! wala! No truth to it. No there’s no truth to it. To quell all speculations, there’s no truth to it,” pahayag ni Estrada.
Sinabi rin ni Estrada na handa itong pumirma sa isang resolusyon na sumusuporta sa liderato ni Zubiri subalit, aniya, hinihintay pa lamang niya ang kopya ng manifesto.
Aminado naman ang senador na noong nakalipas na taon ay kumakalat na ang tsimis na siya ang papalit kay Zubiri bilang senate president subalit iginiit nito na hindi niya kung saan nanggagaling ang ganitong ispekulasyon.
Mayroon ding mga ugong na papatalsikin si Estrada ng chairmanship ng Senate Committee on Defense and Security dahil diumano’y kilala itong malapit na kaibigan ni House Speaker Martin Romualdez na nabalitang nagkakagirian kay Zubiri bunsod ng isyu sa charter change o cha-cha.