Ibinahagi ng dating Senator Antonio Trillanes IV sa kanyang X (dating Twitter) post na dapat suportahan ng mga senador si Senator Risa Hontiveros sa hakbang nito para arestuhin ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader na si Apollo Quiboloy.
“A few pro-duterte senators are maneuvering to have Sen. Risa’s ruling recommending the issuance of a warrant against quiboloy reversed through a majority vote. We can’t let it happen. Let us support Sen. Risa by calling for the arrest of quiboloy,” sabi ni Trillanes.
“Senators are sensitive to public opinion kaya iparamdam natin kung ano ang pulso ng bayan,” sabi pa ni Trillanes.
Ito ay matapos hilingin nitong Martes, Marso 5, ni Sen. Risa Hontiveros na arestuhin si Apollo Quiboloy dahil sa pagbalewala sa subpoena ng Senado na dumalo sa pagdinig sa umano’y sexual abuse at human trafficking ni Quiboloy.
Subalit kinontra ni Sen. Robinhood Padilla ang naturang hakbang dahil, aniya, labag ito sa karapatan ng KOJC leader. Maging si Sen. Imee Marcos ay hindi rin pabor na ipaaresto si Quiboloy dahil may kinahaharap na itong mga kaso sa korte.