Base sa kahilingan ni Sen. Robinhood Padilla, nagpasya ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na ipagpaliban muna ng pitong araw ang contempt order laban kay Kingdom of Jesus Christ (KJC) founder Apollo Quiboloy.
“Ipagpaumanhin po ninyo. Aking pong tinututulan ang naging pasya na ma-contempt si Pastor Quiboloy. With all due respect, ma’am (Sen. Risa Hontiveros),” pahayag ni Padilla.
Tinanggap ni Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng komite, ang hiling ni Padilla na huwag munang i-cite for contempt si Quiboloy sa kabila ng ilang ulit nitong hindi pagdalo sa pagdinig ng Senate panel.
Ayon kay Hontiveros, binigyan niya ng pitong araw ang mga miyembro ng komite na gawing pormal ang pag-object sa kanyang ruling bilang chairman ng lupon base sa Section 18 ng Senate Rules and Regulations.
Ang pagpapatigil sa pag-contempt kay Quiboloy ay dedesiyunan sa pamamagitan ng majority vote ng naturang komite.
Lubos naman ang pasasalamat ni Padilla kay Hontiveros sa naging hakbang sa kanyang kahilingan.
“Gusto ko lang pong ipaalam sa mga panauhin natin na sumusubaybay po sa mga ganap na ito ang aking mga kadahilanan para humiling…pagpapakumbababa at aking karapatan sa pag-object (sa contempt issue),” ani Padilla.