Pinagiingat ng PNP-SOSIA ang publiko, lalo na ang mga senior citizens, laban sa sindikato na kumukulimbat ng cash na-withdraw sa automated teller machines (ATM).
Ayon sa pinost ng Philipppine National Police (PNP) Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA), ang sindikato, na tinaguriang “Glue Ladies,” na nasa likod ng bagong modus ay gumagamit ng manipis na ruler na nilagyan ng glue o pandikit bago ito isinisilid sa cash dispenser ng ATM upang maipit ang bills na lumalabas sa makina.
Dahil dito, iisipin lamang ng biktima na nagkaroon ng technical glitch kaya walang lumabas na cash sa ATM.
At pagalis ng biktima, babalikan ng “Glue Ladies” ang ATM para sungkitin ang inilagay na ruler kung saan nakadikit ang cash na na-withdraw.
Naglabas na ng abiso ang PNP-SOSIA hinggil sa bagong modus na ipinakalat sa lahat ng police units at security agencies sa bansa.