Pinapurihan ni Bureau of Fire Protection (BFP) chief Director Louie Puracan ang lumalaking komunidad ng volunteer fire brigade sa bansa na, aniya, ay malaking tulong sa puwersa ng BFP sa pagresponde sa mga fire incidents.
“I have to be honest that without the volunteers napakahirap po ang buhay ng mga bumbero,” pahayag ni Puracan sa panayam sa DZRH ngayong Sabado, Marso 2.
Ang pagpuri ni Puracan sa mga fire volunteers ay kasabay ng taunang paggunita ng Fire Prevention Month ngayong Marso.
Aniya, kung mayroong 2,832 firetrucks ang BFP sa buong bansa, aabot na sa 1,300 ang bilang ng mga firefighting vehicles ng mga volunteer groups o katumbas ng halos 45 porsiyento ng kabuukang bilang ng mga firefighting equipment.
Kahit walang katapat na kabayaran o sahod, sinabi ni Puracan na buo ang loob ng mga fire volunteers sa pagtulong sa BFP personnel sa pagtugon sa mga emergency situations.
“Utang nating mga Pilipino ang tulong na ibinibigay ng mga volunteer fire brigades. Napakalaki po ang tulong nila,” sabi ni Puracan.