Nababahala si Senator Lito Lapid sa pagdami ng mga advertisement na nagsusulong sa online gambling sa mga social media platform sa bansa.
“Kung ang kabataan ay nakalulusot sa paglalaro sa online gaming, papaano natin sila palalakihin ng maayos at may moralidad sa buhay. Nakalulungkot na masisira ang pagpapahalaga ng ating kabataan sa masamang bisyong ito at posibleng maitaya pa nila ang konting baon sa eskwela,” ayon kay Lapid.
Ayon kay Lapid, chairman ng Senate committee on Games and Amusements, nakararanas ng delikadong pagkahumaling sa online gambling ang mga kabataan na maaga pang nae-expose sa mga social media platforms tulad ng Facebook, X, Instagram, at TikTok.
“Ang masaklap pa nito, baka maging mitsa ito ng pang-uumit sa kanilang mga magulang at matuto na rin silang magnakaw, gaya sa mga karakter sa FPJ’s Batang Quiapo,” sabi ni Lapid.