Hindi katanggap-tanggap para kay Sen. Raffy Tulfo ang paliwanag ng DepEd na bunga lamang ng “clerical error” ang pagkakaungkat ng ghost beneficiaries ng tuition subsidy program ng ahensiya para sa mga estudyante ng pribadong eskuwelahan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, hindi tinantanan ni Tulfo ang mga opisyal ng Department of Education (DepEd) matapos madiskubre ang diumano’y pamamayagpag ng mga ghost beneficiaries sa Government Assistance for Students and Teachers in Private Education (GASTPE) na may kabuuang bilang na 12,675.
Idinahilan ng Deped na ‘clerical error’ lang ang nangyari, bagay na hindi tinanggap ng mga mambabatas.
Lumitaw sa pagdinig na tanging ang Private Education Assistant Committee lamang ang may hawak ng mga benepisyaryo ng GASTPE.
“Totoong bata sila so hindi sila ‘ghosts.’ Nandun kami, totong bata sila pero hindi sila eligible based on the guidelines. Medyo mahirap sabihin na ghost dahil hindi sila makaka-bill kung wala sila sa LIS,” ani Rhodora Ferrer, executive director ng PEAC.
Batay sa datos na nakuha ng Senado, aabot sa 300 milyon ang nawala sa gobyerno na hinahabol naman ng DepEd sa mga pribadong eskuwelahan.
Ang programa sa students tuition at teachers salary subsidy ay base sa umiiral na GASTPE Act kung saan tinutulungan ang gobyerno ang mga kuwalipikadong estudyante mula sa middle-income sa pamamagitan ng financial assistance.