Sa pulong balitaan sa Senado ngayong Huwebes, Pebrero 29, iginiit ni Deputy Majority Floor Leader JV Ejercito na hindi pamumulitika ang kanyang ginawang pagbubunyag ng diumano’y anomalya sa pamamahagi ng ayuda sa San Juan City.
“Tuwing maglalabas ako ng isyu sa San Juan, ang binabawian ay yun mga tao ko. Nakakaawa lalo na ‘yun hindi n’ya kakampi,” sabi ni Sen. JV Ejercito.
“Kaya iniiwasan ko na lang, kaya lang para hindi gipitin o ipitin ‘yun mga tao, ‘yun mga suporters ko,” paliwanag ni Ejercito hinggil sa kanyang pagbatikos sa pagmamanipula sa ayuda para sa mga residente sa siyudad.
Partikular na pinatutsadahan ni Ejercito si San Juan City Mayor Francis Zamora na umano’y nasa likod ng “kabalbalan” sa ayuda scam kung saan iniipit ang malaking bahagi ng tulong pinansiyal mula sa TUPAD at AICS program para sa mga benepisyaro ng mga taga-City Hall.
Sa kanyang privilege noong Martes, ipinakita ni Ejercito ang dalawang video bilang patunay na ilang lokal na opisyal sa San Juan City na kumupit sa mga transaction fee at kickback mula sa ipinamahaging financial assistance.
“Nalungkot ako nang malaman ko na ito (ayuda) ay ginagamit for political purposes,” ayon sa senador.