Naisama na sa red notice list ng International Criminal Police Organization (INTERPOL) si dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr., ang itinuturong utak sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ngayong Miyerkules, Pebrero 28.
Ayon sa INTERPOL, ang red notice ay isang kahilingan sa tagapagpatupad ng batas sa buong mundo na hanapin at arestuhin ang person nahaharap sa extradition process.
Nilinaw ng INTERPOL na ang red notice ay hindi international arrest warrant.
Noong nakaraang Pebrero 19, si Teves ay kasama sa INTERPOL’s blue notice. Ayon sa INTERPOL, ang isang blue notice ay nangangailangan ng member countries na mangolekta ng karagdagang impormasyon tungkol sa person’s identity, location, o activities in relation to a criminal investigation.
Sa parehong abiso ng Interpol, si Teves ay sinasabing nagtatago sa Cambodia.
Ang katayuan ng dating mambabatas ay itinaas mula sa “suspect” sa “Fugitive Wanted for Prosecution”.
Sinabi ng INTERPOL na si Teves ay may warrant of arrest para sa kasong murder, frustrated murder, at attempted murder sa pamamaril at pagpatay noong Marso 4, 2023 kay Degamo at iba pang supporters nito sa Pamplona, Negros Oriental.