Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Kingdom of Jesus Christ (KJC) founder Apollo Quiboloy na sumipot sa mga pagdinig ng Kongreso na naglabas na ng subpoena upang obligahin siyang magpakita at ibigay ang kanyang panig hinggil sa patung-patong na alegasyon na ipinupukol sa kanya at kanyang grupo.
“Kung sinasabi niyang hindi totoo lahat ‘yan, eh ‘di sabihin niya,” payo ni Marcos Jr. kay Quiboloy.
“The best way to diffuse the situation for him is to testify in the committees in the House and the Senate,” pahayag ni Marcos sa isang press conference bago siya nagtungo sa Canberra, Australia.
Magkahiwalay na naglabas ng subpoena ang liderato ng Senado at Kamara laban kay Quiboloy dahil sa hindi nito pagdalo sa mga unang serye ng pagdinig kaugnay sa mga alegasyong child abuse, rape, at iba pang uri ng paglabag sa karapatang pantao sa kanyang mga miyembro sa KJC.
“I just, hindi ko naintindihan sinasabi niya. Bakit siya i-assassinate?” komento ni Marcos sa hirit ni Quiboloy kung bakit siya hindi dumadalo sa congressional hearings.