Nagpadala ng liham nitong Lunes, Pebrero 26, si Sen. Robinhood Padilla kina Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri at Sen. Maria Lourdes Nancy Binay na humihingi ng paumanhin sa isyu ng vitamin C drip na kinasasangkutan ng kanyang asawang si Mariel Padilla.
“Kaugnay nito, nais ko pong ipahatid ang aking sinserong paghingi ng paumanhin kung ito ay nagdulot ng kagambalaan sa liderato ng Senado, sa ating mga iginagalang na kasamahan, at sa lahat ng bumubuo ng institusyon,” ayon kay Senator Robinhood Padilla.
Una rito, humingi rin ng paumanhin si Padilla sa Sergeant-at-Arms ng Senado at sa Medical and Dental Bureau dahil sa inasal ng kanyang may-bahay.
“Labis ko pong ikinabahala ang isyung kinabilangan ng aking maybahay na si Mariel Padilla ukol sa pagsasagawa ng vitamin intravenous drip sa loob ng aking opisina sa Senado noong nakaraang Lunes, ika-19 ng Pebrero, 2024,” ani ni Padilla.
Si Binay, na namumuno sa Senate Committee on Ethics and Privileges, ay naunang nagpahayag ng pagkabahala sa ‘Vitamin C’ drip session na isinagawa sa loob ng Senado, na sinabing ang insidente ay dapat na masusing tingnan dahil ito ay nagsasangkot ng mga isyu sa pag-uugali, integridad at reputasyon ng institusyon at mga bagay na may kinalaman sa kalusugan at kaligtasan.