Nagbabala si Commission on Elections (Comelec) sa mga nagbabalak sumabak sa May 2025 national and local elections laban sa mga sindikato na nang hihingi ng P100 milyon na may pangakong tiyak ang kanilang pagkapanalo sa halalan.
“Sa mga kakandidato, whether incumbent o hindi, may kumakalat po ngayon na mga sindikato na umiikot na kaya raw nila kayong panalunin in a matter of minutes. Kahit daw kayo’y pumikit na at hindi na mangampanya at hindi na mag-ikot ikot ay panalo na,” sabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia.
Sa panayam sa radio, sinabi Garcia na ilang indibidwal ang nagiikot sa Luzon at Mindanao upang ialok ang kanilang “serbisyo” habang ipinamamayagpag sa kanilang mga kliyente na mayroon silang insider sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang manipulahin ang resulta ng eleksiyon para matiyak ang pagkapanalo ng kanilang kandidato.
“Ang strategy ng mga ‘yan ay magpapa-advance kasi ‘yung kabila, ‘yung kalaban ninyo ay gusto na magbayad ng buo. ‘Eh siyempre mas pabor kami sa inyo, eh baka puwede mag-advance ka na dahil kayo ang napipisil namin na dapat na mayor dito,’ ayon sa Comelec chief.
Dahil dito, humingi na ng tulong si Garcia sa National Bureau of Investigation (NBI) para matukoy ang mga nasa likod ng modus at sila ay panagutin sa batas.