Ibinunyag ng Philippine Coast Guard (PCG) na gumagamit na ng signal jamming operations diumano ang Chinese Coast Guard (CCG) sa Bajo de Masinloc para hindi ma-monitor ang posisyon ng mga barkong naglalayag doon.
Sinabi ni Commodore Jay Tarriela, Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for West Philippine Sea (WPS), nakatikim ng signal jamming sa Automatic Identification System ng kanilang barko mula sa Chinese Coast Guard (PCG) sa pinakahuling deployment ng Philippine vessels sa Bajo de Masinloc kamakailan.
Ito rin ang dahilan, aniya, sa pinakahuling “fake news” ng Chinese government na naitaboy nila ang mga barko ng Pilipinas sa lugar.
Ipinaliwanag din ng opisyal na ang AIS ang equipment na nagta-transmit ng signal ng mga barko para ma-monitor ang kanilang posisyon at madetermina ang pagkakilanlan ng mga vessel sa lugar.