Gamit ang commercial satellite imagery at estadistika sa mga ginagawang pangingisda sa West Philippine Sea (WPS), natukoy sa bagong report ng Center for Strategic and International Studies (CSIS) na tinatayang 21,000 acres ng coral reefs sa lugar ang napinsala sa iba’t ibang aktibidad ng China.
Ayon sa report na ‘Deep Blue Scars: Environmental Threats to the South China Sea’ ng Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI) researchers na sina Monica Sato, Harrison Prétat, Tabitha Mallory, Hao Chen at Gregory Poling, hindi bababa sa 21,000 acres ng coral reefs sa WPS ang nasira dahil sa China.
Kabilang sa mga aktibidad ng China na nakapinsala sa lugar ang paghuhukay at pagtatabon para sa itinayo nitong artificial islands, bukod pa sa clam harvesting.
Sa pagtatayo pa lamang ng isla, 6,200 acres ng coral reefs na ang nasira, kung saan 75% o 4,500 acres ng pinsala ay idinulot ng China. Samantala, dahil sa dredging activities ng Vietnam ay 1,500 acres ng coral reef ang napinsala, habang nasa 100 acres ang kabuuang nasira ng mga aktibidad ng Pilipinas, Malaysia, at Taiwan.
Dahil naman sa paghahango ng giant clams ng mga mangingisdang Chinese, may karagdagang 16,353 acres ng coral reefs ang napinsala.