Hinamon ni ACT Teachers Rep. France Castro nitong Huwebes, Pebrero 22, ang mga senador na ipatawag si Vice President Sara Duterte sa pagdinig na isinasagawa ng Mataas na Kapulungan upang bigyang linaw ang mga alegasyon laban sa kanya at ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumanggap sila ng “bag of guns” mula kay Apollo Quiboloy.
“If I were the Senate, I would invite VP Sara to answer [the allegation]. This is a huge allegation. She should face the Senate and address the matter instead of beating around the bush,” sabi ni ACT Teachers Rep. France Castro.
Tinukoy ni Castro ang pahayag ng isang testigo na humarap sa pagdinig ng Senate panel, na nag-iimbestiga sa mga alegasyon ng trafficking at sexual abuse laban kay Quiboloy, founder ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) sect.
Sa pagdinig noong Pebrero 19, sinabi ni “Rene,” na nagtrabaho siya bilang landscaper sa Glory Mountain compound—ang “prayer mountain” ni Quiboloy malapit sa Mt. Apo.