Wala umanong binanggit sa Konstitusyon na hiwalay na boboto ang mga senador at kongresista sa pagbabago ng Saligang Batas.
“Our basic law does not say whether the House of Representatives and the Senate have to vote jointly or separately on Charter change,” ayon kay Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales Jr.
Ito ang paalala ni Gonzales sa mga senador na pumuna sa Resolution of Both Houses no. 7 (RBH 7) ng Kamara de Representantes na nagpapahiwatig umano ng joint voting ng dalawang kapulungan.
Ipinunto ni Gonzales ang nakasaad sa Section 1, ng Article XVll (Amendments and Revisions) ng Konstitusyon na anumang pag-amyenda, o rebisyon sa Konstitusyon ay maaaring ipanukala ng Kongreso sa pamamagitan ng three-fourths vote ng lahat ng miyembro.
Nauna rito ay sinabi ni Sen. Jinggoy Estrada na suportado nito ang pag-amyenda sa economic provisions subalit hindi ang RBH 7 dahil ipinapahiwatig umano nito ang joint voting.