Matapos aminin ni Sen. Imee Marcos na inilipat nito ang P13 bilyong alokasyon para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong nakaraang taon, humingi ng paliwanag si Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David ‘Jay-jay’ Suarez kung bakit nito nagawang alisan ng ayuda ang halos 900,000 pamilya o 4.3 milyong Pilipino.
“Unang-una, I think the question is, dahil inamin ng ating mahal na Senador na nagbawas syang pondo (para sa 4Ps), I think ang tanong is, ilang milyong Pilipino ang naapektuhan dahil dun sa pondong nawala?” sabi ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David ‘Jay-jay’ Suarez.
Sinabi ni Suarez na dapat ding ilantad ni Sen. Imee ang dahilan kung bakit ginawa rin niya ito sa mga nauna pang taon.
“Ang mas malaking tanong, ilang milyong Pilipino at ilang households ang naapektuhan dahil nailipat ‘yung pera at mukhang hindi lang yata noong 2023 nangyari ito,” dagdag pa ni Suarez.
Sa isang pahayag, inamin ni Sen. Marcos na inirekomenda nito na ilipat ang P8 bilyong pondo para sa 4Ps sa ibang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) gaya ng supplemental feeding, KALAHI-CIDSS, Quick Response Fund for disasters, at AICS nang talakayin ang panukalang 2023 national budget noong 2022.