Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbibigay ng titulo ng lupa sa 3,184 na benepisyaryo ng agrarian reform sa Prosperidad, Agusan del Sur, ngayong Biyernes, Pebrero 16.
“Layunin kong matapos ang pamamahagi ng lupang saklaw ng Agrarian Reform Program bago matapos ang aking termino. At ang 3,184 na titulo na ipapamahagi natin sa araw na ito ay patunay ng kanilang patuloy na pagsisikap,” sabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Bagama’t maituturing natin itong tagumpay, hindi pa tapos ang ating laban,” pahayag ng Pangulo. Namahagi rin siya ng land titles sa Agusan del Norte, Dinagat Islands, Surigao del Norte at Surigao del Sur.
Aniya, ito ay bahagi ng pangako ng pamahalaan upang palayain ang mga magsasaka mula sa kahirapan, pagkalubog sa utang, at gutom sa pamamagitan ng pagbibigay ng lupa na matagal na nilang sinasaka.
Tiniyak din ng Pangulo ang tuluy-tuloy na pagpapatupad ng Executive Order No. 4 tungkol sa one-year moratorium sa pagbabayad sa upa at interes sa agrarian debt.
“Hangga’t baon sa utang ang ating magsasaka, hangga’t nakasangla ang kanilang kinabukasan, hindi makakaahon ang buong bansa,” giit ni Marcos.