Ikinagulat ni ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo ang umano’y pagalipusta ni Sen. Joel Villanueva sa party-list groups sa isinagawa nitong privilege speech sa Kamara kamakailan dahil nagsilbi rin ito bilang kinatawan ng kahalintulad na sektor.
“Ang kanilang grupo, Cibac, ay isang party-list. Siguro nadala lang siya ng emosyon. Nagkaroon siya ng privilege speech, at sa aking palagay sa kanyang paliwanag, sabi niya ‘he was taken out of context.’ Pero malinaw sa quote niya, may mga cameraman na nakakuha,” sabi ni Tulfo.
Umaasa si Tulfo na babawiin ni Villanueva ang sinabi niya laban sa party-list groups.
Ani Tulfo, hindi dapat minamaliit ni Villanueva ang party-list groups dahil dati itong kinatawan ng Cibac party-list na ngayon ay pinamumununa ng kanyang ama na si Bro. Eddie Villanueva.
“Nagulat talaga ako. Ang kanyang ama na si Bro. Eddie Villanueva ay kasama naming sa party-list coalition. Kaya nagulat ang mga kasamahan naming sa party-list kung bakit nagbitaw ng ganung pananalita habang ang kanyang ama ay isang party-list representative,” ayon kay Tulfo.