Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang nakapagtala ng pinakamalaking pagtaas sa trust rating, batay sa resulta ng fourth quarter survey ng OCTA Research.

Ayon sa OCTA Research, nakakuha si Romualdez ng 64 porsyentong trust rating sa survey na ginawa mula Disyembre 10 hanggang 14, 2023.

Ito ay mas mataas ng apat na porsyento kumpara sa kanyang nakuha sa survey noong Oktobre 2023.

Pinakamalaki ang pagtaas na nakuha ni Speaker Romualdez sa National Capital Region (NCR) – mula 48 porsyento ay naging 63 porsyento. Umangat naman ng 12 porsyento ang nakuha ni Romualdez sa iba pang bahagi ng Luzon.

Sa naturang survey, nakakuha naman si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng 76 porsyento, tumaas ng 3 porsyento.

Tig-dalawang porsyento naman ang itinaas nina Vice President Sara Duterte-Carpio (mula 75 ay naging 77), Senate President Juan Miguel Zubiri (mula 57 ay naging 59), at Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo (mula 21 ay naging 23).


Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,200 respondents na pawang mga edad 18 pataas. Ang survey ay mayroong plus/minus three percent margin of error at 95 percent confidence level.