Muli na naman nabuhay ang mga umano’y ilegal na gawain sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa, matapos madiskubre ang septic tank sa loob ng piitan kung saan umano isinisilid ang mga pinatay na persons deprived of liberty (PDLs).
Isa sa mga mainit na usapin sa social media ay ang food delivery services para sa mga PDLs kung saan inuulan ng batikos ang liderato ng Bureau of Corrections (BuCor) dahil, sa kanilang paniniwala, hindi ito dapat kinukunsinti ng ahensiya.
Sa panayam ng DZBB, iginiit ni Bucor Director General Gregorio Catapang Jr. na “karapatan nila (PDLs) na umorder ng pagkain.” Ayon sa opisyal, ito ay kahalintulad ng patakaran sa mga bilangguan sa ibang bansa kung saan pinapayagan ang mga PDLs na makakain ng kanilang preferred food base sa kanilang kultura at relihiyon.”
“Siyempre, imi-mix mo yung karapatan nila sa regulasyon,” paliwanag ni Catapang.
Aniya, ang bawat PDL ay maaaring magpasok ng pagkain hanggang sa halagang P2,000 bawat isa.
Tiniyak naman ng opisyal na mahigpit nilang sinusuri ang mga pagkaing pinapasok na food delivery sa pasilidad.
Sa isyu ng ilegal na paggamit ng cellphone, ipinaliwanag din ni Catapang na ang gamit ng mga PDL sa pag-order sa food delivery ay mga common desktop computers na pagaari ng BuCor. Ito rin, aniya, ang ginamit sa mga “Bisita Online” ng mga PDL para sila ay makausap ng kanilang mga mahal sa buhay, lalo na kung nagkakahigpitan sa dalaw.
Siniguro ni Catapang na hindi nagagamit ng mga PDL ang BuCor computers sa ilegal na gawain, tulad ng mga transaksiyon sa droga.