(Photo courtesy of PTV)
Posible pa ring matupad ang ipinangakong P20 kada kilo ng bigas, ayon kay Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon kung magagaya ng Pilipinas ang mekanismo ng produksiyon ng palay na ginagamit ng Cambodia.
Ang P20 kada kilo ng bigas ang naging isa sa pangunahing “bala” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kampanyang pampanguluhan noong 2022.
Ayon kay Gadon, bumisita siya sa Cambodia tatlong buwan na ang nakararaan, at naisip na maaaring makamit ng bansa ang murang presyo ng bigas kung makapagpapatupad lamang tayo ng mabuting sistema sa pagtatanim at pagpoproseso ng bigas.
Bida pa ni Gadon, may panukala na siyang nakahanda rito na ihahain sa Pangulo.
Puna ni Gadon, napakabagal ng produksyon ng Pilipinas ng palay, bagay na lumilikha ng artipisyal na kakapusan sa pangunahing butil tuwing sasapit ang tag-ulan.
Sinabi rin ng kalihim na makakukuha ang Pilipinas ng makinaryang gaya ng sa Cambodia, maaari nang bumaba ang presyo ng bigas sa bansa, na pangunahing pagkain ng mahigit 80% ng mga Pinoy.