Personal na iniabot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang special financial assistance sa 12 sundalo na nasugatan sa inilunsad na military operation laban sa Dawlah Islamiyah Maute na umano’y responsable sa pambobomba sa Mindanao State University (MSU) noong Disyembre 2023.
Ayon sa ulat, ang 12 sundalo ay kasalukuyang ginagamot sa Army General Hospital (AGH) sa Taguig City.
Bukod sa financial support, ginawaran din ni Marcos ang Gold Cross Medal, Military Merit Medal with Bronze Spearhead Device, at Wounded Personnel Medal ang apat na sundalo na wounded in action.
Pinasalamatan ni Marcos ang 12 sundalo sa kanilang dedikasyon sa trabaho at katapangang ipinamalas nang makipagbakbakan sa mga Dawlah Islamiyah Maute group noong Enero 25 hanggang 26 kung saan siyam na miyembro nito ang napatay.
Kabilang sa mga napatay si Khadafi Mimbesa, alyas “Engineer,” na itinuturing na “amir” o lider ng Dawlah Islamiyah Maute terrorist group na nasa likod ng MSU bombing attack.