Itinanggi ni Vice President Sara Duterte ngayong Huwebes, Pebrero 1, ang akusasyon na may kaugnayan siya sa “Oplan Tokhang” sa Davao City noong siya pa ang alkalde ng lungsod, base sa pagbubunyag ni dating Davao Senior Police Officer Arturo Lascañas, na self-confessed original member ng Davao Death Squad.

“Bago ang script na ito. Sa mga taon na nagsilbi ako bilang Vice Mayor at Mayor ng Davao City, ni minsan ay hindi naugnay ang aking pangalan sa isyung ito. Maliban sa tiyempo, malinaw na sadyang pinilit lang na maidugtong ang pangalan ko sa isyung ito para ako maging akusado sa ICC (International Criminal Court),” ayon kay Duterte.

Sa isang video message, sinabi ni Duterte na nadawit ang kanyang pangalan sa isyu para maisama siya sa imbestigasyon ng ICC sa extrajudicial killings na iniuugnay sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Lascañas ay nakausap ng Pilipinas Today mula sa hindi natukoy na lokasyon sa ibang bansa, nitong Miyerkules, Enero 31.

ARTURO LASCANAS, SUMALANG NA SA ICC PRE-TRIAL

Isiniwalat ng isang dating hitman ng kinatatakutang Davao Death Squad (DDS) na ang Bise Presidente umano ang “pasimuno” ng mga patayan sa siyudad noong 2012.

“Siya nga ang pasimuno nitong Oplan Tokhang nung nakaupo siya as mayor, nung 2012 in-appoint niya si Bato Dela Rosa as Chief of Police ng Davao City,” ani Lascañas, tinukoy si Dela Rosa na ngayon ay incumbent senator.

“Sinabi sa akin ni Bato Dela Rosa na nag-craft sila ng panibago ngayong extra judicial killing na campaign against illegal drugs which is Toktok Hangnyo, meaning Tokhang,” dagdag pa nito.

Sa muling pagharap ni Lascañas sa media makalipas ang maraming taon, kinumpirma niyang natapos na ng ICC ang pre-trial investigation kaugnay ng kasong crimes against humanity na kinakaharap ni dating Pangulong Duterte dahil sa dami ng napatay sa war on drugs campaign nito.

Ayon kay Lascañas, nagsumite siya ng 186 pahinang affidavit sa international tribunal, kabilang ang kanyang testimonya sa pagkakasangkot umano ng mag-amang Rodrigo at Sara sa extrajudicial killing sa Davao City.

“Mga target personalities sa illegal drugs. Lalo pa ang mga gumagamit ng shabu at nagbebenta. Sabi niya (VP Sara) kidnapin ninyo, ilubog ninyo ang target. Para kaso missing person lang,” kuwento pa ni Lascañas.

Sinabi ng dating DDS hitman na umaabot sa 10,000 indibidwal ang biktima ng EJK sa Davao City.

“Sa Laud Quarry lang po sa estimation ko lang, mayroon pong mga more or less 3,000. Pero ang total damage na napatay sa Davao City, ‘yung nakita at saka ‘yung missing, more or less 10,000,” sabi ni Lascañas.

Isinumite rin umano ni Lascañas ang isang notebook kung saan nakasulat ang kanyang alam sa EJK na ipinag-utos umano ng dating Pangulong Duterte at ang pagkakasangkot umano dito ni VP Sara.

BABALA KAY PRESIDENT MARCOS

Nagbabala rin si Lascañas kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na huwag magtiwala sa dating Pangulo at kay VP Sara.

“Panawagan ko po sa Pangulong (Ferdinand) Bongbong Marcos na mag-ingat po at ‘wag po magkumpyansa sa halimaw ng Davao na si Rodrigo Roa Duterte at ‘yan allegedly Vice President Sara Duterte,” sabi ni Lascañas.

“Mga traydor po ang mga ito,” dagdag pa nito.

EX-PRESIDENT DUTERTE, TINAWAG NA ‘DRUG LORD’

Inakusahan ni Lascañas ang dating Pangulo na naglungsad ng pekeng drug war dahil siya mismo ay isa umanong drug lord at mayroong drug laboratory at libu-libong baril.

“Niloloko mo mga Pilipino. Anong ginawa mo? Drug war? Anong drug war? Ikaw ang drug lord. Pinapapatay niya sa grupo namin ni SPO4 Ben Laud yung 11 chinese workers and chemist ng Davao Shabu Lab at ng Barangay Obrero,” sabi ni Lascañas.

“Ang gun collection ni Mayor Duterte during my time more than 1,000. Galing po ito kay (Pastor Apollo) Quiboloy. Nagbi-byahe si Quiboloy dala yung eroplano ni Duterte sa Amerika nagdala yan ng spare parts, silencer. Mga bala. Mga parts,” dagdag pa nito.

Si Quiboloy ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) na nakabase sa Davao City.

Inakusahan din ni Lascañas sina Sen. Bato dela Rosa at Sen. Bong Go na nagbababa ng utos sa DDS.