Ibinahagi ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon nitong Lunes, Enero 29, na ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay hindi ‘adik sa droga’ ngunit ‘adik sa pagmamahal sa bayan.’
“Si Presidente Bongbong Marcos ay isang adik sa pagmamahal sa bayan. Isang adik sa pagtatrabaho. Napakaganda ng kaniyang pamamahala,” ayon kay Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon.
“Si Presidente Bongbong Marcos ay hindi adik. Nagsalita na ang PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) na wala sa listahan ng mga suspect ng drug users ang pangalan ni Presidente Bongbong Marcos kahit noon pa man at hanggang ngayon,” sabi pa ni Gadon.
“Hindi adik si Bongbong Marcos. Napakaganda ng kaniyang pamamalakad ng ating pamahalaan. Sa katunayan, sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 18 taon ay tumaas ang ating employment rate ng 95.8%, at nagkaroon tayo ng increase ng palay production ng 300,000 metric tons ngayon sa kaniyang pamamahala,” ani ni Gadon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gadon na hindi tama na gumawa ng ganoong alegasyon si dating pangulong Duterte dahil nalalagay sa alanganin ang mamamayan at bansa.
“Hindi dapat idamay ang kinabukasan ng bansa, ang kinabukasan ng mga Pilipino, sa hidwaan sa politika,” sabi pa ni Gadon.
“Kaya mga kababayan ko, mga kapatid ko, mga kaibigan, mga kapwa-Pilipino, tayo ay manalig at umasa sa mas mabuting pamahalaan sa pamamagitan ng pamamahala ni Presidente Bongbong Marcos,” dagdag pa ni Gadon.