Sa isang press conference, iminungkahi ni Sen. Imee Marcos na suspendihin ang lotto games ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) hanggang hindi nabibigyan linaw ng mga opisyal nito ang mga alegasyon ng anomalya sa mga winning numbers.
“Ako pikon na pikon na ko sa lotto na yan. Nawalan na ko ng pag-asa dahil January 2023 nag-file na ko na sana imbestigahan na yang PCSO na yan. Kasi mathematically improbable ang ginagawa nilang ganon kadalas [na winners]… Kung ano-anong kababalaghan na,” pahayag ni Sen. Imee Marcos.
“Hangga’t di napapaliwanag itong mga pangyayari na ito, itigil muna yung bola… Kabulastugan na yan,” dagdag ng Senador.
Ito ay matapos pagdudahan ng mga senador ang sunud-sunod na pagkapanalo ng grand lotto draws na, anila, ay dating tumatagal bago magkaroon ng winner.