Cigarette butts o upos ng sigarilyo ang #1 na itinatapon sa lansangan ng Metro Manila base sa Anti-Littering Apprehension Report noong nakaraang taon, ayon sa kalatas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Huwebes, Enero 25.
“Ang mga basurang ito ay bumabara sa drainage at daluyang tubig. Kaya maging responsableng mamamayan at magtapon lamang sa tamang lagayan,” ayon sa report ng MMDA.
Sinabi ng MMDA umabot sa 12,918 indibidwal, o 79 porsiyento ng kabuuang bilang, ang nahuli habang nagtatapon ng upos ng sigarilyo sa mga kalsada.
Ayon pa sa ahensiya, pumangalawa sa listahan ang nagtapon ng papel kung saan umabot 1, 524 indibidwal. o 9.4 porsiyento ng kabuuang bilang, ang nahuli ng MMDA enforcers.
Pangatlo naman ang balat ng kendi kung saan 1,343 indibidwal, o 8.3 porsiyento, ang nahuli.
Ayon sa MMDA Regulation No. 96-009 o Anti-Littering Law, ang pagtatapon ng kalat o basura sa mga pampublikong lugar ay may multang P500 hanggang P1,000 o mabibigyan ng community service.(Graphics courtesy of MMDA)