Aminado si Senator Sonny Angara na hindi maganda ang “dating” sa mga senador ng pagpapatuloy ng people’s initiative sa kabila ng nakipagpulong na si Senate President Migz Zubiri kina President Ferdinand Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez tungkol sa Charter change (Cha-cha) nitong Enero 5.
Pagbabago ng economic provisions sa Cha-cha na isinusulong ng Kamara ang napag-usapan sa meeting at wala raw nabanggit na anuman tungkol sa people’s initiative, sinabi ni Angara sa DZBB ngayong Miyerkules, Enero 24.
“Nag-meeting si Pangulo, kasama ‘yung pinuno ng dalawang Kamara, si Senate President (Migz), si Speaker Martin Romualdez, at ‘yun ang napag-usapan, itutulak ‘yung economic provisions, kaya nag-file kaagad si Senate President Zubiri, last-last week pa, nitong Resolution No. 6, only talking about the economic provisions,” kuwento ni Angara.
“Ang intindi dun, hindi napag-usapan itong people’s initiative, eh, tuluy-tuloy pa rin [pala] itong people’s initiative. Ang feeling ng mga senador, eh, ‘Sus, parang hindi pala sinsero ‘yung pagtulak dito sa economic provisions.’ Hindi maganda ‘yung dating sa mga senador, eh, parang ‘Iniisahan yata tayo dito, ah,’” natatawang dagdag niya.
Samantala, iginiit din ni Angara na mahigpit na ipinagbabawal ng Saligang Batas sa mga mamambatas ang paggawa at pag-apruba ng batas na mismong ang senador o kongresista ang makikinabang.
“Mayroong provision ‘yun, eh, specific provision sa Konstitusyon na, kunwari nagtaas kami ng suweldo ng mga kawani sa gobyerno. Hindi kami kasama dun, hindi kami puwedeng mag-benefit dun, ‘yun ay klarong-klaro,” ani Angara, isang abogado.
Sa panig ng Senado, iginigiit nitong pawang economic provisions lang ng 1987 Constitution ang dapat isalang sa Cha-cha—gaya ng nakasaad sa Resolutions of Both Houses No. 6 ni Senate President Migz Zubiri—at hindi ang tungkol sa term extension o anumang political provision na pakikinabangan ng ilang nasa ehekutibo, Kamara, at local government.