Sinabi ni Albay Congressman Joey Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means, naabot na ng mga nagsusulong ng People’s Initiative (PI) ang three percent mandated signatures sa bawat congressional district at 12.1 percent naman sa buong bansa.
Sa panayam ng media, sinabi ni Salceda na ang kanilang susunod na hakbang ay beripikahin ang mga lagda sa pamamagitan ng isang validation process bago isumite sa Commission on Elections (Comelec) na magdedesisyon kung magkakaroon ng plebisito para sa isinusulong na charter change.
“Talagang inaayos lang and of course, there is a request for validation,” giit ni Salceda.
At nang tanungin si Salceda sa reaksiyon nito sa puwersahang pagpapapirma ng petisyon para sa cha-cha na may katapat na suhol, tugon ng Kongresista: “Masyado namang mababa ang tingin n’yo sa mga tao. Hindi n’yo naman basta-basta sila mapapapirma.”
Samantala, kinuwestiyon ni Senate Minority Floor Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang tinaguriang “ministerial duty” ng Comelec na tanggapin ang mga signature forms para sa People’s Initiative.
“Yes cases ‘directed’ at Comelec for receiving signatures from unknown entity and then executing ‘its ministerial duty’ of counting signatures. Why do they even have this ministerial duty? They don’t even know who they owe this alleged duty to. And for what purpose?” tanong ng senador.
Maaaring mapigil ng temporary restraining order (TRO) mula sa Korte Suprema sa pagtanggap ng signature forms para sa people’s initiative.