Ideneklara ng Sandiganbayan 5th Division na “not guilty” sa kasong plunder si Sen. Jinggoy Estrada subalit hinatulan naman ito ng “guilty” sa isang count ng bribery at two counts of direct bribery kaugnay sa kasong isinampa laban sa kanya na may kaugnayan sa pork barrel scam.
Dahil dito, pinatawan ng anti-graft court si Estrada ng pagkakakulong ng walo hanggang siyam na taon para sa direct bribery at dalawa hanggang tatlong taon sa indirect bribery.
Ibinaba ng korte ang desisyon sa kaso ni Estrada ngayong Biyernes, Enero 19, halos 10 taon nang ihain ang kaso noong Hunyo 2014.
Ito ay may kaugnayan sa P183 million kickback na nakulimbat mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) gamit ang mga bogus na non-government organizations.
Si Estrada at iba pang mambabatas ay idiniin sa pork barrel scam ng dating empleyado ng Janet Lim Napoles na si Benhur Luy.
Una nang ikinulong si Estrada kasama si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center subalit pinayagan ito ng korte na makapagpiyansa noong 2017.